MANILA, Philippines — Umamin na ang inarestong kasambahay sa mga awtoridad sa kanyang ginawang pagpatay at panununog sa mga among senior citizens noong Martes ng gabi sa kanilang bahay sa Standford St. Brgy. E. Rodriguez, Cubao, Quezon City.
Sa kanyang salsaysay sa Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit (QCPD-CIDU), idinitalye ni Marilyn Mante Pandita, 48, stay-in kasambahay ang kanyang ginawang krimen sa kanyang mga among may edad 80 at 78.
Ayon kay Pandita, bandang alas-5 ng hapon nang inabangan niya ang paglabas sa banyo ng babaeng amo na dito ay pinalo niya ng dalawang beses sa ulo ng llabe.
Nang bumagsak sa sahig, muli niyang pinalo banda sa tenga.
Tinungo naman ni Pandita ang among lalaki at inasikaso ang pagkain bandang alas-5:45 ng hapon. At nang matapos matapos kumain ay hinanap pa umano nito ang kanyang misis. Sinagot naman ni Pandita na nasa taas na kuwarto lamang ito.
Hindi na muling nagtanong ang among lalaki at sa halip ay umupo na lamang ito silya sa loob ng kanilang kuwarto.
Habang nakatalikod ay dito rin niya hinampas ito ng ng dalawang beses sa ulo gayundin sa tenga. Mabilis niyang kinuha ang susi ng vault at kinulimpat ang pera.
Muli niyang binalikan ang babaeng amo at dinala sa kuwarto ng kanyang lalaking amo.
Palabas na siya ng kuwarto ng mag-asawa dala ang sobre ng pera nang mapansin niyang gumagalaw pa ang among lalaki. Dito ay kinuha niya ang icepick sa kusina at pinagsasaksak ito sa mukha.
Agad na inayos ni Pandita ang kanyang gamit upang tumakas subalit nakatanggap ito ng tawag mula sa anak ng biktima.
Upang maitago ang krimen, kumuha ng posporo si Pandita at sinindihan ang kumot sa kuwarto ng mag-asawa.
Nang lumalaki na ang apoy nagtungo si Pandita sa kanyang kuwarto hanggang sa marinig ang tawag ng isa pang anak ng mga biktima mula sa labas ng gate.
Dahil sa lumalakas na apoy, napilitan si Pandita na lumabas ng bahay dala ang kanyang maleta kaya dinala ng mga tauhan ng barangay sa barangay hall at dito naman tumakas. Agad din namang nasakote si Pandita.
Giit ni Pandita, hindi niya kinakaya ang masasakit na salita at pang-aabuso ng kanyang mga amo.
Sinampahan ng kasong two counts ng Robbery with Homicide at Arson si Pandita sa Quezon City Prosecutor’s Office.
Sa panayam kay QCPD-CIDU chief PMajor Don Don Llapitan, sinabi nito na nagtaka ang anak ng mga biktima nang hindi nakausap sa video call ang mga magulang. Dahil dito pinapunta ang driver sa bahay na nakakita ng apoy mula sa kuwarto ng mga biktima.
Dalawang taon nang naninilbihan si Pandita sa mga biktima.
Sinabi naman ni QCPD Director PBGen. Redrico Maranan na inatasan na niya ang QCPD-CIDU na magsagawa ng masusing imbestigasyon sa insidente at makipag-ugnayan sa Bureau of Fire Protection kung saan lumalabas na hindi sunog ang ikinamatay ng mga biktima.
“Nakikiramay po tayo sa pamilya ng mga biktima at asahan po ninyong gagawin ng QCPD ang masusing pag-iimbestiga para mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ng dalawang biktima”, ani Maranan.