Bodega ni-raid: P1 bilyong vapes, ‘ukay’ nakumpiska
MANILA, Philippines — Umaabot sa P1.073 bilyong halaga ng mga kontrabando, na kinabibilangan ng nasa halos P900 milyong halaga ng illegally imported vapes, ang nakumpiska ng mga tauhan ng Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS) sa pagpapatuloy nilang anti-smuggling operations laban sa vape products, nabatid kahapon.
Ayon kay Bureau of Customs Commissioner Bien Rubio, nasa 20 bodega na matatagpuan sa 67 Governor Pascual St., Potrero, Malabon City ang unang natukoy na ginagamit bilang imbakan o storage facilities para sa smuggled vape products mula sa China.
Tinukoy naman ni CIIS Director Verne Enciso ang kahalagahan ng mga naturang operasyon, sa gitna ng anti-smuggling efforts ng ahensiya.
Ayon kay Enciso, sa inisyal na inspeksiyon sa lokasyon noong Biyernes, natuklasan ang may 20 bodega, at nagawang buksan ng CIIS team ang isa sa mga ito, kung saan nadiskubre nila ang nasa 8,400 kahapon ng Flava-branded vapes.
Naglalaman ng 100 piraso bawat kahon sa halagang P550 bawat piraso, ang total current market value ng mga smuggled vapes ay nagkakahalaga ng P462 milyon. Kung idadagdag ang P520 excise tax na dapat kolektahin ng gobyerno para sa bawat unit ng vape, ang total aggregate value ng vape products ay nasa P898.8 milyon.
Gayunman, sinabi ng CIIS Director na nang buksan ang 15 pang bodega at inspeksiyunin ay natuklasan rin ang mga branded at unbranded shoes, hardware supplies, ukay-ukay o mga used clothing, unbranded clothes, household items, at iba pa, na nagkakahalaga ng tinatayang P174.2 milyon.
“This brings the total aggregated value of the goods stored in the 16 warehouses inventoried to P1.073 billion,” ani Enciso.
Sinabi naman ni Deputy Commissioner for Intelligence Group Juvymax Uy, na tumukoy sa koordinasyon sa pagitan ng mga government agencies at ng local enforcement officers, na ang natitira pang tatlong bodega ay isasailalim rin sa imbentaryo ng assigned Customs examiner sa Port of Manila ngayong Lunes.
- Latest