Chemical tanker nasiraan sa highway
MANILA, Philippines — Nagresulta sa pagtagas ng kemikal ang pagkasira ng isang chemical tanker sa Paco, Maynila kahapon ng madaling araw.
Batay sa ulat ng Manila Special Rescue Force, dakong alas-4:00 ng madaling araw nang maganap ang insidente sa Pedro Gil. St., kanto ng Quirino Avenue, sa Paco.
Lumilitaw na kasalukuyang minamaneho ni Dominador Evangelista, 36, at residente ng Balagtas, Bulacan ang isang Isuzu chemical tanker, na may plate number na CAY 1606, at naglalaman ng may 3,000 litro ng hydrochloric acid o muriatic acid, nang masiraan ito sa naturang lugar.
Sinasabing napinsala ang chassis ng chemical tanker na nagresulta sa pagtagas ng lulan nitong concentrated form ng hydrochloric acid.
Kaagad naman umanong rumesponde ang mga awtoridad at sinolusyunan ang problema.
Nabatid na dahil ang lugar na pinangyarihan ng aksidente ay malapit sa drainage, nagpasya ang mga awtoridad na lusawin na lamang ang kemikal upang hindi na ito maging concentrated at hindi masyadong mapanganib.
Ayon sa mga awtoridad, ligtas ang hydrochloric acid kung hindi ito concentrated ngunit kung concentrated ito at nainitan, ay mag-e-evaporate ito at maaaring magresulta sa pananakit ng mata at ilong, at pangangati ng balat. Wala naman umanong naganap na evacuation ng mga residente dahil ang pinangyarihan ng aksidente ay malayo sa mga kabahayan.
Wala ring iniulat ang Bureau of Fire Protection (BFP) na anumang casualties dahil sa chemical leak” Kinailangan namang pansamantalang isara sa daloy ng trapiko ang northbound lane ng Quirino Avenue mula sa Osmeña Highway hanggang sa Pedro Gil St. ngunit kaagad ding binuksan nang masolusyunan ang insidente.
Ayon kay Senior Inspector Charles Bococo ng Manila Special Rescue Force, lumitaw sa kanilang inisyal na pagtaya na mabilis ang takbo ng truck at mga bumps na dinaanan sa Quirino Avenue ang ilan sa maaaring naging dahilan ng pagkasira nito