MANILA, Philippines — Isang opisyal ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) ang dinakip nang posasan at ipabugbog sa mga hindi pa nakikilalang lalaki ang isang sundalo na sinasabing nambastos sa kinakasama ng una sa loob ng kanilang apartment sa Quezon City noong Biyernes ng gabi.
Himas rehas na ngayon si Jail Insp. John Romel B. Magdale, 24, at sa No. 52 Ofelia St., Project 8, Brgy. Bahay Toro, Quezon City.
Ginagamot naman sa ospital si Cpl. Charl Ston Lim Dam-as Dannang, ng Philippien Army at tenant sa ikalawang palapag ng apartment ng suspek.
Sa naantalang ulat ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), bandang 11:30 ng gabi noong Marso 1 nang maganap ang insidente sa loob ng apartment ni Magdale at ng live-in partner niyang si Ma. Angelica Fermin Poquiz, 25, sa No. 52 Ofelia St., Project 8, Brgy. Bahay Toro, Quezon City.
Sa imbestigasyon ni P/Cpl. Paolo Gil Niño ng Project 6, Police Station 15 ng QCPD, narinig umano ni Poquiz na may kumakatok sa pinto ng kanilang inuupahang silid at nang buksan ay nakita niya si Dannang.
Kinaladkad umano ni Dannang si Poquiz papasok sa loob ng kuwarto niya at nang tangkang yayakapin ay nagawang itulak ng huli ang sundalo at agad na pinagsarhan ng pinto.
Nagkataon namang dumating si Magdale mula sa Bicol Province at nakita umano niya si Dannang na noon ay nasa harap pa ng kanilang pintuan kaya kinompronta niya ito.
Pero batay sa salaysay ng live-in partner ng sundalo na si Ma. Dianne Antonnette Bauygan, nasa loob sila ng kuwarto nang puntahan sila ng nasabing jail guard.
Inutusan umano ng jail guard ang sundalo na pumunta sa kaniyang silid sa 1st floor pero makalipas ang ilang sandali ay nakita ni Bauygan ang kinakasama na nakaposas na at may mga pasa at sugat sa katawan.
Ayon kay Dannang, pinagtulungan umano siyang bugbugin ng hindi kilalang mga kalalakihan na hinala niya ay iniutos ni Magdale.