Pagkatapos ng surot, daga naman gumagala sa NAIA
MANILA, Philippines — Matapos ang isyu sa surot sa mga upuan sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA), isang concerned traveler naman ang umano’y nakakita ng malaking daga sa gate 2 ng paliparan na ipinost at muling nag-viral sa social media.
Ibinahagi ng isang lalaki na hindi binanggit ang pangalan ang isang maikling video na kung makikita ang malaking daga sa kisame ng gate 102 at nakita niya umano itong gumagala sa NAIA Terminal 3 habang naghihintay ng kanyang international flight dakong ala-1 ng madaling araw kahapon.
“Hello NAIA, una surot, ngayon naman may daga sa international departure? Yung totoo?!?! ” pahayag pa nito.
Noon lamang nakaraang Huwebes, matapos makatanggap ng backlash sa Facebook dahil sa umano’y naging sanhi ng pagkagat ng surot sa dalawang pasahero, inalis ng Manila International Airport Authority (MIAA) ang infected na rattan at metal na upuan sa domestic lobby ng NAIA Terminal 2.
Naglabas ang pamunuan ng paliparan na magsagawa ng komprehensibong pag-inspeksyon sa pasilidad at pahusayin ang mga hakbang sa kalinisan hinggil sa naiulat na mga surot sa kama matapos iulat ng dalawang domestic na pasahero na sila ay nakagat ng mga surot.
Nagsimula ang operasyon ng NAIA Terminal 2 noong 1999, habang ang NAIA Terminal 3 ay naging operational noong Hulyo 22, 2008.
Samantala, sinabi ni Senator Grace Poe, “Ang dumaraming problema sa infestation. Iyan din ang isyu sa ibang bansa. Sa France, apektado ang mga istasyon ng tren at ilang kuwarto sa hotel,” sabi ni Sen. Grace Poe, tagapangulo ng Senate committee on public services.
“Ang paglilinis at pagdidisimpekta ay dapat na standard operating procedures, hindi lamang sa panahon ng paglaganap ng virus o infestations,” dagdag ni Poe.
- Latest