Metro Manila mayors nagkasundo: E-bikes/trikes ban na sa national roads

Ipinakita ni MMDA Chairman Atty. Don Artes ang ipinasang resolusyon ng Metro Manila Council na nagbabawal sa mga e-vehicles na dumaan sa mga national road sa buong rehiyon. Nasa larawan din si MMC President San Juan City Mayor Francis Zamora at Malabon City Mayor Jeannie Sandoval.
Kuha ni Jesse Bustos

Driver oobligahin na rin na may lisensiya

MANILA, Philippines — Nagkasundo ang Metro Manila Council (MMC) sa pamamagitan ng isang resolusyon na nagbabawal sa mga ­e-bikes/trikes na dumaan sa national highways sa Kalakhang Maynila.

Ito ang nabatid kahapon kay Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) chairman Romando Artes, kahapon.

“Nagpasa na ang MMC ng resolusyon regarding regulation ng e-trikes/bikes na pinagbabawal na po natin sa major roads na nasa jurisdiction ng MMDA,” dagdag pa ni Artes.

Papatawan ng P2,500 na multa ang lalabag sa nasabing regulasyon.

Bukod dito, oobligahin na ring kumuha ng lisensiya ang sinumang gagamit ng e-vehicles at kung walang maipakitang lisensya ang nagmaneho ay i-impound agad ang e-vehicle na dala nito.

Inaasahan namang sa Abril pa maipatutupad ito dahil kailangan pang dumaan sa prose­so at awareness campaign tulad ng publication, na kailangang may 15 araw bago ipatupad.

Ang bawat LGU ng Metro Manila ay gagawa ng kani-kanilang mga ordinansa para sa secondary at inner roads sa ilalim ng kanilang nasasakupan.

Sinabi naman ni San Juan City Mayor at MMC President Francis Zamora, na titiyakin ng mga local chief exe­cutive ng NCR na ang mga ordinansang ipapasa kaugnay ng regulasyon ay magkakaisa para maiwasan ang kalituhan.

May karagdagan pang mga daanan na tutukuyin ang mga lokal na pamahalaan kung saan ipagbabawal ang mga ito, bukod sa inisyal na listahan ng mga kal­yeng apektado.

Kabilang sa mga kal­yeng inisyal na nabanggit ang Recto Avenue; President Quirino Ave­nue; Araneta Avenue; Epifanio Delos Santos Avenue; Katipunan/CP Garcia; Southeast Metro Manila Expressway; Roxas Boulevard; Taft Avenue; SLEX; Shaw Boulevard; Ortigas Avenue; Magsaysay Blvd./Aurora Blvd.; Quezon Avenue/Commonwealth ave.; A. Bonifacio Ave; Rizal Ave; Del Pan/Marcos Highway/Mc-Arthur Highway; Elliptical Road; Mindanao Avenue; at Marcos Highway.

Show comments