MANILA, Philippines — Tiniyak ng Navotas City Police ang seguridad ng pamilya ng napaslang na 17-anyos na si Jemboy Baltazar matapos na ilabas ng Navotas RTC Branch 286 ang hatol sa anim na pulis na sangkot sa krimen.
Ayon kay Navotas City Police Station Chief PCol Mario Cortes, inatasan niya ang Substation 4 personnel sa pangunguna ni PCpt. Ivan Rinquejo na tutukan ang seguridad ng pamilya Baltazar sa lahat ng oras at maibigay ang lahat ng kailangan na tulong.
Dagdag pa nito, handang magbantay ang pulis sa kanilang kaligtasan 24/7.
Sinabi naman ng pamilya Baltazar na iaapela nila ang desisyon ng korte na pumabor sa mga pulis na walang awang kumitil sa buhay ni Jemboy.
Sa anim na pulis na sangkot, tanging si PStaff Sergeant Gerry Sabate Maliban ng Intelligence Service (IS) ang guilty sa kasong homicide at pinatawang makulong ng 4 hanggang 6 na taon at pagbabayad ng P50,000 para sa moral at civil damages.
Apat na buwan namang makukulong sina Police Executive Master Sergeant Roberto Dioso Balais Jr., Police Staff Sergeant Nikko Pines Corollo Esquillon (SWAT) at Patrolman Benedict Danao Mangada (SS4) dahil sa kasong illegal discharge of firearms.
Absuwelto sa kaso si Police Staff Sergeant Antonio Balcita Bugayong ng Intelligence Service.
Una na ring sinabi ng Department of Justice na iaapela ang kaso matapos na makitaan ng ilang butas kabilang ang conviction ng isang pulis lamang sa kasong homicide.