Ordinansa sa regulasyon ng tubig, ipatupad

Binigyang-diin ng ­alkalde na mahalagang i-regulate ng mga local government units (LGUs) ang paggamit ng tubig, base na rin sa kanilang ispesipikong demograpiko.
STAR/ File

Zamora sa Metro Manila mayors

MANILA, Philippines — Iminungkahi kahapon ni Metro Manila Council (MMC) president at San Juan City Mayor Francis Zamora sa mga lokal na pamahalaan sa rehiyon  na magpatupad ng mga ordinansang nagre-re­gulate ng tubig, upang mabawasan ang impact ng El Niño phenomenon.

Ayon kay Zamora, mahalaga ang pagsasagawa ng mga kaukulang hakbang upang tugunan ang epekto ng El Niño at makapagtipid ng water resources sa Kamaynilaan.

Binigyang-diin ng ­alkalde na mahalagang i-regulate ng mga local government units (LGUs) ang paggamit ng tubig, base na rin sa kanilang ispesipikong demograpiko.

Aniya, maaaring magpasa ang mga ito ng mga ordinansa na angkop para sa pangangailangan sa kanilang lugar.

Inihalimbawa pa ni Zamora na hindi lahat ng lungsod ay mayroong mga golf courses at malalaking hotel na may mga swimming pools.

Maaari pa rin naman aniyang mag-­operate ang ilang mga car wash ngunit dapat na maging episyente ang paggamit nila ng tubig upang maiwasan ang pagkasayang nito.

Iminungkahi rin niya ang pagtatayo ng mga water catchment areas sa NCR para ma-ma­ximize ang paggamit ng mga tubig-ulan.

Sa ilalim ng naturang sistema, ang tubig-ulan ay kokolektahin mula sa bubong ng bahay, patu­ngo sa mga drum upang kaagad na magamit sa ibang bagay, gaya nang pagpa-flush ng toilet o paglilinis.

Anang alkalde, sa San Juan City ay nagtayo na sila ng mga catchment systems sa mga barangay halls, gayundin sa mga city-owned facilities.Pinayuhan din ni Zamora ang publiko na magkaroon ng disiplina at huwag mag-aksaya ng tubig. Binigyang-diin pa niya na mahalaga ang pagkakaroon ng proactive measures, partikular na sa panahon ng El Niño phenomenon.

Show comments