MANILA, Philippines — Muling pinaalalahanan ni National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Maj. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., ang kanyang mga tauhan sa paggamit ng body camera kaugnay ng paghahain o pagsisilba ng search warrant o warrant of arrest.
Ayon kay Nartatez, bahagi ito ng ipinatutupad na sistema sa police operations na dapat lamang sundin ng mga pulis.
Tungkulin din aniya ng team leader o commander ng bawat unit na siguruhin na gamit ng pulis at naka on ito sa oras ng police operations.
Matatandaang 10 pulis ang sinibak sa serbisyo nang mapatunayang sangkot sa iligal na pagsalakay sa isang condominium unit sa Parañaque City noong Setyembre, 2023 na nagresulta sa iligal na pag aresto sa apat na Chinese.
Binigyan diin ni Nartatez na ang nasabing raid ay indikasyon na may anomalya sa operation nang hindi paganahin, sirain ng mga pulis ang kanilang body-worn camera footage.
Kinulimbat din ng mga pulis ang nasa mahigit P27 milyon halaga ng personal gamit ng mga Chinese at wala sa search warrant.
Nagtanim din ng ebidensiya ang mga pulis kabilang ang mga baril.