MANILA, Philippines — Tiniyak kahapon ni Marikina City Mayor Marcelino Teodoro na mayroon silang sapat na suplay ng tubig upang mabawasan ang epekto ng El Niño, na inaasahang tatama sa bansa.
Ayon kay Teodoro, handa sila sa inaasahang pagtama ng naturang phenomenon dahil mayroon silang mga water harvesting facilities sa mga pampublikong paaralan upang mag-imbak ng tubig-ulan. Mayroon na rin aniya silang anim na deep well systems na konektado sa Manila Water Co. at handang magkaloob ng tubig sa mga residente.
“Nagre-recyle tayo ng tubig, ‘yung rainwater. Pangalawa meron tayong mga deep well system with Manila Water. Hindi ito ordinaryong deep well. Ito ‘yung mga nakakabit doon sa pipeline ng Manila Water,” dagdag pa ng alkalde, sa panayam ng mga mamamahayag.
“Meron tayong mga 5 hanggang 6 na deep well system na ginagamit kung sakaling bumaba na ‘yung allocation or rationing ng tubig, automatically ito ‘yung magsusupply ng tubig doon sa pipeline ng Manila Water,” aniya pa.
Matatandaang Enero 19 nang lagdaan ni Pang. Ferdinand R. Marcos Jr. ang Executive Order No. 53 upang i-streamline, i-reactivate, at i-reconstitute ang mga dating El Niño task forces sa ilalim ng EO No. 16 (s. 2001) at Memorandum Order No. 38 (s. 2019). Una nang sinabi ng weather bureau na Pagasa na ang matinding epekto ng El Niño ay magpapatulooy hanggang sa katapusan ng Marso.