MANILA, Philippines — Nakatakdang maglabas ang Metro Manila Council (MMC) ng isang resolusyon na nagre-regulate sa paggamit ng electric motor vehicles, lalo na sa mga pangunahing lansangan sa Metro Manila.
Ayon kay Metropolitan Manila Development Authority (MMDA)-Traffic Enforcement Group Director Victor Nuñez na ang resolusyon na nakatakdang talakayin ay kinabibilangan ng mga multa at parusang ipapataw sa mga panuntunan patungkol sa gumagamit ng e-motor vehicle.
Pag-iisahin na rin sa resolusyon ang mga polisiya ng local government units (LGUs) sa e-trikes sa patakaran din dito ng national government.
Mayroon na aniyang, LTO circular noong 2021 na binabalangkas ang mga alituntunin sa regulasyon ng mga e-bikes ngunit walang kaukulang parusa para sa mga paglabag.
“But now with the recent initiatives magkakaroon po ng fines and penalties at mas na-enhance namin ‘yung regulation pertaining to e-trikes, kuliglig and tricycles kasi ‘di lang po e-trikes nakikita natin sa national roads, pati na rin sa mga tricycles”, dagdag pa nito.
Ilang lokal na pamahalaan ang may umiiral na ring mga ordinansa sa regulasyon sa e-trikes bago pa man ang pandemic.