250 nasunugan sa Munti
MANILA, Philippines — Tinatayang nasa 250 pamilya ang apektado ng sunog na tumupok sa 70 kabahayan, sa isang residential area, sa Barangay Poblacion, Muntinlupa nitong Biyernes.
Sa ulat ng Muntinlupa City Fire Station, nagsimula ang sunog alas-3:32 ng madaling araw sa isang bahay na yari sa light materials na pag-aari ng isang Rowena Dente, na inookupahan naman ng pamilya nina Jun Bautista at Ricky Ortillo sa Rizal Aplaya, Barangay Poblacion, Muntinlupa.
Nabatid na naging mabilis ang pagkalat ng apoy dahil sa lakas ng hangin at pawang yari sa light materials ang mga kabahayan.
Aabot sa mahigit P350,000 ang halaga ang napinsalang mga ari-arian sa sunog.
Mabilis namang rumesponde ang nakasasakop na barangay at Muntinlupa Department of Disaster Resilience and Management (MDDRM) na nag-alalay sa kanila sa evacuation areas tulad ng covered court at Muntinlupa Evacuation Center.
Binigyan din ng food packs, mga gamit tulad ng kumot, tent at iba pang non-food esentials at financial assistance sa pangunguna ni Mayor Ruffy Biazon, na personal na bumisita sa mga nasunugan, kasama si Poblacion Barangay Chairman Allen Ampaya at bumisita rin si Muntinlupa Rep. Jaime Fresnedi.
- Latest