Kelot umakyat sa poste, patay sa kuryente
MANILA, Philippines — Isang lalaki ang patay nang makuryente matapos na umakyat sa poste ng kuryente sa Port Area, Manila kahapon ng madaling araw.
Ang biktima ay kinilala na si Arwin Cabugayan, residente ng 11th Street, Delgado, Roberto S. Oca, Port Area, Manila.
Batay sa imbestigasyon ni PCPL Charles Benzon Dela Torre, ng Manila Police District (MPD)-Homicide Section, nabatid na dakong alas-4:00 ng madaling araw nang maganap ang insidente sa naturang lugar.
Sa salaysay ni Rica delos Santos, 30, live-in partner ng biktima, lumilitaw na bago ang insidente ay biglang nawalan ng kuryente sa kanilang bahay.
Dahil dito, umakyat umano sa poste ng kuryente ang biktima upang ayusin sana ang problema at maibalik ang suplay ng kuryente.
Gayunman, maya-maya lamang ay nakarinig na umano siya ng malakas na kalabog at nang tingnan ay nakitang nakahandusay na ang biktima sa sementadong kalsada at walang malay.
Naisugod pa sa Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center (GABMMC) ang biktima ngunit dead on arrival na ito.
- Latest