Facebook page ng Valenzuela Police, na-hack
MANILA, Philippines — Kinumpirma ni Valenzuela City Police Station chief Col. Salvador Destura Jr. na na-hack ang kanilang Facebook page nitong Lunes.
Ayon kay Destura, pansamantalang ilalabas ang kanilang updates at mga panawagan sa Public Information Office (PIO) Valenzuela City Police Station hanggang sa marekober ang kanilang account.
Nabatid na mga hubad na video at larawan ang lumalabas matapos na ma-hack ang naturang FB page ng kapulisan.
Aniya, walang access sa kanilang account ang mga administrator ng kanilang FB page kaya pinapayuhan ang publiko na huwag munang magpadala ng anumang impormasyon o mensahe sa kanilang account.
Matatandaang nito lang Pebrero, sinabi ng Department of Information and Communications Technology (DICT) na ang hackers ay pinaniniwalaang nag-o-operate sa China at pinapasok nito ang ibat-ibang ahensya ng gobyerno sa pamamagitan ng email at websites na mariin namang pinabulaanan ng kanilang opisyal.
Ayon naman kay DICT Secretary Ivan Uy na handa namang tumulong ang China para sa gagawing imbestigasyon.
- Latest