DAR office, nilusob ng mga magsasaka
MANILA, Philippines — Nilusob ng mga magsasaka at mga manggagawa sa hacienda mula sa 15 bayan ng Negros Occidental at Batangas ang harap ng gusali ng Department of Agrarian Reform (DAR) central office sa Elliptical Road sa Quezon City.
Ayon kay Lanie Factor, national deputy coordinator ng ‘Task Force Mapalad’ ang kanilang pagkilos ay upang maiparating kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at sa pamunuan ng DAR ang kanilang mga kahilingan tulad ng pag-alis sa mga burukratikong sistema, at iba pang hadlang sa pagproseso at pamamahagi ng pribadong pang-agrikulturang lupain sa ilalim ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP).
Anya nais nilang ituloy din ni Pangulong Marcos ang pangakong ipamamahagi ang mahigit 500,000 ektaryang private-agricultural lands sa mga magsasaka at imbestigahan ang malawakang pagtanggal sa daang libong private lands sa ilalim ng Carp.
Sinabi pa ni Factor, na hindi sila aalis at magtatayo ng mga tent sa harapan ng DAR para sa kanilang pagkakampo, habang naghihintay ng malinaw na tugon ng gobyernong Marcos sa kanilang mga kahilingan.
Umaasa ang mga magsasaka na hindi mapapako at tutuparin ng Pangulo ang pangako sa mga lehitimo at karapat-dapat na mga magsasakang benepisyaryo lamang ng programa bago matapos ang kaniyang termino sa 2028 at pairalin ang puso sa pagpapatupad ng reporma sa lupang agraryo.
- Latest