MANILA, Philippines — Sugatan ang walo katao sa magkahiwalay na insidente ng sunog na sumiklab sa Maynila at Quezon City kahapon at kamakalawa ng gabi.
Sa Maynila, pitong residente ng isang residential area sa Sta. Cruz ang nasaktan sa sunog na nag-iwan sa tinatayang 100 pamilya na walang tahanan, nitong Huwebes ng tanghali.
Kabilang sa mga sugatan sina Bejay Aballa, 21; Renzo Aballa, 15; Ben Ben Gareia, 14; at Nash Opena, 20.
Sugatan din sina Jingoy Kayo, 28, at Maybel Salcedo, 30, Urmenia Opeña, 22, na nakaranas nang hirap sa paghinga.
Sa ulat ng Bureau of Fire Protection (BFP), alas-11:23 ng tanghali nang sumiklab ang apoy sa ikalawang palapag ng isang bahay sa 4070 Fugoso St., Sta. Cruz, at pagma-may-ari umano ni Eliseo Apalacio.
Umabot sa ikatlong alarma ang sunog bago naideklarang fire under control dakong alas-12:04 ng tanghali at tuluyang naapula dakong alas-12:40 ng hapon.
Ayon sa BFP, aabot sa 50 tahanan ang tinupok ng apoy at 100 pamilya o 200 indibidwal ang nawalan ng tahanan dahil dito.
Aabot sa P50,000 ang halaga ng mga ari-ariang napinsala.
Samantala, natupok din kamakalawa ng gabi ang bahay ni Presidential Communications Office (PCO) Secretary Cheloy Garafil sa Quezon City.
Sa report ng Bureau of Fire Protection (BFP) Quezon City, alas-8:30 ng gabi ng sumiklab ang sunog sa Gabriela Silang Street, New Capitol Estate 1 sa Barangay Batasan.
Nabatid na isa ang bahay ni Garafil sa apat na duplex house na natupok.
Nasugatan sa sunog ang isang 67-anyos na residente sa lugar na agad ding dinala sa pagamutan.
Idineklarang fireout ang sunog alas-10:44 ng gabi. Tinatayang aabot sa P7 milyon ang halaga ng natupok.
Sinabi naman ni BFP-Quezon City’s Fire Chief Inspector Marvin Mari, hindi agad nakarating ang mga bumbero dahil na rin sa sobrang trapik bunsod ng Valentine’s Day.
Inaalam pa rin ng BFP ang pinagmulan ng dalawang sunog.