MANILA, Philippines — Bumagsak sa kulungan ang isang lalaki makaraang manghingi ng hubad na mga larawan sa isang dalagita at makipagtagpo para makipagtalik kapalit ng iniaalok na pera at cellphone, kamakailan sa Paco, Maynila.
Nakilala ang nadakip na si Dennis Gonzales, 45, nakatira sa No. 13-B Gabriel St., Brgy. Sipac-Almacen, Navotas City.
Sa ulat ng Manila Police District, dakong alas-5:58 ng hapon nang maaresto si Gonzales noong Pebrero 12 sa loob ng isang paresan sa may Otis, Paco sa ikinasang entrapment operation ng mga tauhan ng Anti-Cybercrime Team.
Sa rekord ng pulisya, naging magkaibigan sa Facebook ang suspek at ang dalagitang biktima noong Pebrero 5 nang magpadala ng friend request ang suspek. Dahil sa ang suspek ang nagbigay ng tulong pinansyal para sa pagpapalibing ng kaniyang bayaw, tinanggap ng biktima ang friend request ng suspek.
Sa kanilang pag-uusap sa messenger, inalok umano ng suspek ang dalagita na bibigyan ng pera at mga gadgets tulad ng bagong cellphone kapalit ng planong pakikipagtalik sa biktima. Unang nagpadala ng mga hubad na larawan ang biktima sa suspek noong Pebrero 11 ngunit natuklasan ito ng kaniyang ate.
Dito nagsuplong sa MPD ang ate ng biktima kaya nagkasa ng entrapment operation ang mga pulis kung saan nagkunwari sila na ang dalagita ay makikipagkita sa lalaki para makipagtalik. Hindi na nakapalag ang suspek nang posasan ng mga pulis makaraang kilalanin ng biktima.
Nahaharap ang suspek sa mga kasong paglabag sa RA 10175 o Cybercrime Prevention Act at Article 286 (Grave Coercion) ng Revised Penal Code sa Manila City Prosecutor’s Office.