Sa pag-aresto sa drug suspect sa Caloocan
MANILA, Philippines — Bugbog-sarado ang isang pulis at kasama nitong sibilyang tipster matapos na kuyugin at pagtulungang bugbugin ng walong lalaki kabilang ang dalawang brgy. kagawad at tanod dahil sa pagdakip sa isang lalaking pinaghihinalaang sangkot sa illegal na droga sa Caloocan City kamakalawa ng gabi.
Kinilala ang mga nasugatang biktima na sina P/Corporal Roger Lagarto, nakatalaga sa Caloocan Police Station Drug Enforcement Unit (SDEU) at sibilyang si Adrian Villagomez, 37, ng Brgy. 18 ng lungsod.
Ang dalawang biktima ay isinugod at patuloy na ginagamot sa ospital matapos na magtamo ng matitinding mga sugat sa ulo, mukha at buong katawan, batay sa inilabas na medico-legal certificate ng kanilang attending physician.
Agad namang iniutos ni Caloocan City Police Chief P/Col. Ruben Lacuesta ang manhunt operation laban sa mga suspect na nagresulta sa pagkakadakip kina Kagawad Jimmy Marinda, 53, at Ex-O Ferdinand Basmayor, 43, ng Brgy. 36, na kapwa positibo sa alcohol nang isailalim sa medical examination.
Samantala, patuloy namang tinugutis ng mga operatiba ang isa pang Kagawad na si Renato Rivera, alyas “Tisoy” at lima pang kalalakihan na sangkot sa pagkuyog at pambubugbog sa mga biktima.
Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Rizalito Gapas, sinabi ni Col. Lacuesta na nagsasagawa ng paniniktik at pagmo-monitor ang mga tauhan ng SDEU sa pangunguna ni P/SSg. Jason Taguba sa Barangay 36, dakong alas-11 ng gabi nang arestuhin ni Cpl. Lagarto at kasamang sibilyan si alyas “Joshua” na siyang target ng kanilang operasyon matapos mamataan sa kahabaan ng Marulas B St. Brgy, 36 ng lungsod.
Nang dadalhin na nila sa Barangay Hall ang suspect upang isailalim sa imbentaryo ang nakuha sa kanyang ilegal na droga, dito na sila hinarang at pinagtulungang gulpihin ng mga kalalakihan, kabilang ang dalawang Barangay Kagawad at Executive Officer sa kabila ng pagpapakilala ni Lagarto na isa siyang pulis.
Pinaniniwalaan namang protektor ng nasabing drug personality ang naturang mga kagawad at tanod na nasangkot sa panggugulpe sa parak at sibilyang tipster.
Inihayag ni Lacuesta na sasampahan nila ng patung-patong na kasong obstruction of justice, direct assault, at serious physical injuries ang mga Barangay official at kanilang mga kasama sa Caloocan City Prosecutor’s Office.