MANILA, Philippines — Bagsak kalaboso ang isang lalaki na pinaghahanap sa kasong frustrated homicide matapos makorner ng pulisya sa isinagawang manhunt operation sa Valenzuela City, kamakalawa ng hapon.
Sa ulat ni Valenzuela City Police Chief P/Col. Salvador Destura Jr. kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Rizalito Gapas, nakatanggap ng impormasyon ang mga operatiba ng Warrant and Subpoena Section (WSS) na naispatan sa Brgy. Karuhatan ang presensya ng akusadong si alyas “Lando” na kabilang sa mga “most wanted person” (MWP) ng lungsod.
Alinsunod sa direktiba ni PNP chief P/Gen. Benjamin Acorda Jr. na “Aggressive and Honest Law Enforcement Operations”, agad inatasan ni WSS Chief P/Major Jesus Mansibang ang kanyang mga tauhan na magsagawa ng manhunt operation laban sa target na wanted.
Bandang alas-5:15 ng hapon nitong Sabado nang maaresto ang MWP si Lando sa harapan ng South Super Market, Brgy., Karuhatan ng naturang siyudad.
Ayon Major Mansibang, inaresto ang akusado ng kanyang ng mga tauhan sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Presiding Judge Lilia Mercedes Encarnacion Aquino-Gepty ng Regional Trial Court Branch 75, Valenzuela City noong January 25, 2024, para sa kasong Frustrated Homicide.
Hindi na nakapalag ang suspect matapos itong arestuhin ng mga operatiba kung saan ay agad itong pinosasan.
Dinala ang akusado sa Valenzuela City Health Department para sa medical examination bago pansamantalang ipiniit sa Custodial Facility Unit ng Valenzuela CPS habang hinihinaty ang pagpapalabas ng commitment order mula sa korte.