MANILA, Philippines — Tiniyak ni Valenzuela City Mayor Wes Gatchalian na prayoridad niya ang edukasyon kaya’t tatlong Valenzuela City Academic Center for Excellence (ValACE) ang itatayo sa lungsod.
Sa ginanap na ground breaking ceremony,sinabi ni Gatchalian na layon ng proyekto na malapit at madaling puntahan ng mga mag-aaral ang ValACE.
Itatayo ang ValACE sa Barangay Gen. T. de Leon, Marulas at Mapulang Lupa.
Ang mga academic center ay mayroon isang mini library, study Hall na may mga self-study cubicle, communal review lounge, computer laboratory, 50-seating capacity training room, 80-100 pax capacity multi-purpose hall, cafeteria, administrative office, at parking area.
Target ni Gatchalian na mapalawak ang ValACE sa buong Valenzuela na tugon sa lumalaking pangangailangan ng lungsod upang matugunan ang kakulangan ng mga pampublikong pasilidad sa pag-aaral.
Para sa lungsod, ang library ay itinayo upang itaguyod ang panghabambuhay na pag-aaral at literacy para sa lahat at bumuo ng isang rebolusyonaryong espasyo sa pag-aaral na naa-access, maaasahan at may espesyal na layunin upang tulungan ang mga mag-aaral na maabot ang kanilang mga pangarap.
Sa amicable service nito sa mga mag-aaral, kinilala ang city library para sa Gawad Pampublikong Aklatan (Most Inclusive and Innovative Programs) na iginawad ng National Library of the Philippines.
Samantala, bukas naman sa publiko ang ValACE sa Barangay Malinta at libreng pagbibigay ng mga programa at serbisyong pang-edukasyon.