MANILA, Philippines — Isinurender na ng may-ari ng isang pulang Bugatti Chiron sports car ang sinasabing ipinuslit sa bansa at hinahanap ng Bureau of Customs.
Ito’y halos isang linggo lamang matapos na umapela ang bureau sa publiko ng impormasyon hinggil sa dalawang smuggled luxury cars na nakitang bumabaybay sa mga lansangan sa Pasay, Pasig, Muntinlupa, at Cavite.
Pinuri naman ni Customs Commissioner Bien Rubio ang agarang resulta sa hot pursuit, na nagresulta sa pag-surrender sa isa sa mga sasakyan, na walang import documents.
Ayon kay Deputy Commissioner for Intelligence Group Juvymax Uy, ang pulang Bugatti ay isinuko sa joint BOC team sa isang bahay sa Ayala Alabang Village sa Muntinlupa City, kung saan nakatago ang sports car.
Ang registered owners ng dalawang units ng 2023 model sports car— isang kulay asul na may plate number na NIM 5448, at isang pula na may plate number na NIM 5450—ay sina Menguin Zhu at Thu Thrang Nguyen.
Inaalam pa ng BOC ang country of origin ng mga sasakyan at kung brand new ba ang mga ito o secondhand lamang, noong ito ay angkatin.
Ayon kay BOC-CIIS Director Verne Enciso, pinaimbestigahan na nila sa Land Transportation Office (LTO) kung paano nabigyan ng registration papers ang mga sasakyan nang wala itong kaukulang importation documents.