MANILA, Philippines — Posible umanong sa katapusan ng Abril o kalagitnaan pa ng Mayo maipatupad ang panukalang taas-pasahe sa Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3).
Ayon kay Department of Transportation (DOTr) Assistant Secretary for Railways Jorjette Aquino, na siya ring officer-in-charge (OIC) ng MRT-3, pinag-aaralan pa ng DOTr ang naturang petisyon.
“After noon, magkakaroon ng public hearing. After mga one month kailangan naming mag-publish ulit nung approved fares, kung maaaprubahan ito, for three weeks. So ang expectation namin is baka mga end of April ito, middle of May,” pahayag ni Aquino, matapos na pangunahan ang launching ng love train ng MRT-3 kahapon.
Matatandaang nais ng pamunuan ng MRT-3 na magpatupad ng karagdagang P2.29 para sa kanilang boarding fee at P0.21 na increase kada kilometro.
Sakaling maaprubahan ito, ang minimum fare sa MRT-3 ay tataas sa P16 mula sa kasalukuyang P13 lamang.
Ang pasahe naman sa end-to-end trip o mula North Avenue station sa Quezon City hanggang Taft Avenue station sa Pasay City, ay magiging P34 na mula sa kasalukuyang P28.
Ayon kay Aquino, gagamitin nila ang taas-pasahe upang masiguro ang maayos na operasyon at maintenance ng mga tren para sa kapakanan ng mga mananakay nito.