Bagong laya dahil sa droga, balik-kalaboso sa drug den
MANILA, Philippines — Halos apat na buwan pa lamang na nakalalaya dahil sa kaso ng droga, balik-kulungan ang isang lalaki na natuklasang ginamit ang kanyang bahay.
Dahil dito, balik-kalaboso ang suspek na si Joey Tabada, ng Barangay Fort Bonifacio, Taguig City.
Ayon kay P/Major Judge Rowe Donato, Taguig Sub-Station 1, noong Oktubre pa lamang ng nakalipas na taon nakalaya si Tabada na hindi na nadala at bumalik sa iligal na droga na ngayon nga ay mismong bahay niya ang ginawang drug den ng kapwa niya adik.
Ang iligal na droga umano ay dinadala na sa bahay ni Tabada at doon naman ay naibebenta sa mga kliyente upang doon na rin isagawa ang pot session.
Sa puwesto ng paggamit sa bahay ni Tabada, ay nagbabayad umano ang drug user ng P20.00 hanggang P50.00.
Inaalam pa ng pulisya ang source o nagsusuplay ng iligal na droga sa bahay ni Tabada.
Gagamiting ebidensya laban kay Tabada ang sachet ng shabu na nakita sa loob ng isang pouch, nang halughugin ang kaniyang bahay gamit ang search warrant.
Ito na umano ang ikatlong pagkakataon na naaresto ang suspek kaugnay sa iligal na droga.
- Latest