3 ‘fixers’ sa city hall ng Pasay, arestado
MANILA, Philippines — Tatlong ‘fixers’ na nagpapanggap na mga kawani ng Pasay City Government ang inaresto ng mga awtoridad noong Miyerkulkes.
Ang mga suspek na nakapiit sa Pasay City Police Station ay kinilala lamang sa mga alyas na Absamin, Leopoldo, at Jerick, na pawang residente ng San Andres, Bukid, Maynila.
Sa ulat na inilabas ng Pasay City Public Information Office (PIO), unang nadakip si Absamin sa aktong nagpapakilalang siya ay empleyado ng Pasay City Hall, at kasunod nito ang pagkanta sa mga kasabwat na agad ding naaresto.
Modus operandi ng mga suspek na magpanggap na kawani sa city hall at nag-aalok ng mabilis na pagpoproseso ng business license sa mga negosyanteng nag-aaplay nito kapalit ng hinihinging halaga.
Hanggang sa natuklasang mga pekeng dokumento lamang ang ibinibigay ng ito sa kanilang nabibiktima.
Dahil dito, pinayuhan ang mga Pasayeño na doblehin ang pag-iingat at huwag ipaubaya sa mga hindi awtorisadong indibidwal ang kanilang mga transaksyon sa lokal na gobyerno.
Nanawagan na rin ang mga awtoridad na agad i-report sa pinakamalapit na himpilan ng pulisya at sa tanggapan ni Mayor Emi Calixto-Rubiano ang mga ganitong uri ng modus at panloloko ng mga kawatan.
- Latest