MANILA, Philippines — Ipinag-utos ni Marikina Mayor Marcelino Teodoro ang agarang pag-aresto sa sinumang maaaktuhang nagpapapirma para sa People’s Initiative (PI) na may kapalit na pera o ayuda.
Ginawa ni Teodoro ang kautusan matapos makatanggap ng ulat na may mga taong nagpapapirma sa Marikina City para sa Charter Change (ChaCha) ngunit ito aniya ay hindi pa naman beripikado.
Ayon kay Teodoro, isang uri ng “criminal act” ang pagbili ng pirma para lang maamiyendahan ang Saligang Batas.
Paliwanag pa ng alkalde sa isang panayam sa radyo na mahigpit na ipinagbabawal ang paggamit ng ayuda upang makakalap ng pirma.
Nanawagan rin naman si Mayor Marcy sa mga Marikeño na huwag ipagbili ang kanilang mga pirma at panatilihin ang kanilang dignidad.
Binigyang-diin niya na hindi “for sale” ang Marikina at hindi magwawagi ang mga taong magtatangkang bumili ng pirma ng mga residente doon.