Quiapo Church idineklara nang ‘National Shrine’

Nagbunyi ang mga deboto ng Simbahang Katolika habang may mga hawak ng bulaklak sa harap ng Minor Basilica of the Black Nazarene matapos ang opisyal na deklarasyon bilang “National Shrine” ang Quiapo Church kahapon sa Maynila.
Edd Gumban

MANILA, Philippines — Pormal nang idineklara na “National Shrine” ang Minor Basilica of the Black Nazarene (Quiapo Church) sa isang seremonya ng deklarasyon sa loob ng Simbahan kahapon.

Pormal na tinanggap ni Manila Arcbishop Jose Cardinal Advincula at ni Fr. Rufino “Jun” Sescon, ang official decree na nagdedeklara sa Quiapo church bilang National Shrine mula kay Bishop Pablo David.

Matatandaan na unang idineklara na National Shrine of the Black Nazarene ang Quiapo Church sa ika-126 Plenary Council ng Catholic Bishops Conference of the Philippine noong Hulyo 9, 2023 sa Kalibo, Aklan.

Itinaas ang Simbahan bilang isang shrine makaraang maabot ang mga pangangailangan ng national Episocpal Conference na kumikilala sa impluwensya ng simbahan sa kultural, kasaysayan, at sa buhay ng mga mananampalataya.

Partikular dito ang debosyon sa Itim na Nazareno ng mga Katoliko at ang tradisyunal na Traslacion na humahatak ng milyon-milyong deboto kada Enero ng bawat taon.

Noon pang 1987 nang ideklara ni St. John Paul II, ang dating Santo Papa, na Minor Basilica ang Quiapo Chruch.

Samantala, idineklara ni Pope Francis na minor basilica ang St. John the Baptist Church o simbahan ng Taytay sa Rizal, ayon sa anunsyo ng Diocese of Antipolo.

Tatlong araw ito makaraang unang ideklara naman na International Shrine ang Our Lady of Good Voyage sa Antipolo City nitong Enero 26.

Ang nasabing simbahan ng Taytay ay itinatag noong 16th century at kauna-unahang minor basilica ng Diocese of Antipolo.

Show comments