‘Top most wanted’ sa Taguig City
MANILA, Philippines — Nalambat na ng mga awtoridad ang pinaniniwalaang lider ng “Kelly Calauad Dongalo” robbery hold-up and carnapping group sa Taguig City, nitong Sabado ng hapon.
Kinilala ni Southern Police District Director, P/Brig. General Mark Pespes ang suspek sa alyas na “Kelly”, 31 anyos, na kabilang sa “top most wanted person” ng Taguig Police at No. 2 top most wanted person ng SPD, para sa first quarter ng taon.
Sa ulat, dakong alas-12:20 ng hapon ng Enero 27, 2024 nang maaresto ng mga tauhan ng Taguig City Police- Intelligence Section at Warrant and Subpoena Section, Eastern District Intelligence Team, Regional Intelligence Unit, at Philippine National Police-Intelligence Group (IG), gamit ang warrant of arrest na inisyu noong Oktubre 9, 2023 ni Presiding Judge Antonio Olivete ng Taguig Regional Trial Court Branch 267 sa kasong Murder na walang inirekomendang piyansa.
Bukod sa murder, isinilbi rin kay Kelly ang warrants of arrest sa mga kasong paglabag sa Republic Act 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act) kaugnay sa Presidential Decree 1866 na inamyendahan ng RA 9516 (Unlawful Manufacture, Sales, Acquisition, Disposition, Importation or Possession of an Explosive or Incendiary Device) na inisyu noong Okt. 4, 2023 ni Presiding Judge Mariam Guzon Bien, ng RTC Branch 153 Taguig City, na may inirekomendang ?100,000 na piyansa.
Noong Agosto 26, 2023 nang madakip ang isa pang miyembro ng grupo na si Emerson Pillos alyas “Robin”, 40 anyos, dahil sa iligal na pagbibitbit ng ‘di lisensyadong .22 caliber Galand revolver na may 2 bala, habang nakatambay sa Banana St., sa New Lower Bicutan, Taguig.