Police Major sa ‘missing’ beauty queen, laya na sa PNP
MANILA, Philippines — Wala na sa kustodiya ng Philippine National Police (PNP) si Police Major Allan de Castro, ang pulis na sinasabing ‘utak’ sa pagkawala ng beauty queen na si Catherine Camilon.
Ito ang kinumpirma ni PNP chief Police General Benjamin Acorda Jr. matapos na masibak sa serbisyo si De Castro.
“Since he was dismissed from the service, he is now released from our custody. Kumbaga, wala na siya. But still the criminal case will be pursued by the PNP,” ani Acorda.
Enero 16 nang sibakin ng PNP si De Castro sa serbisyo dahil sa kasong conduct unbecoming of a police officer, bunsod ng pagkakaroon ng illicit at extramarital affair kay Camilon.
Gayunman, sinabi ni Acorda na patuloy nilang imomonitor ang kilos ni De Castro upang agad itong madakip sakaling maglabas ng warrant of arrest ang korte laban dito.
Nahaharap sa kasong criminal na kidnapping at serious illegal detention si De Castro, driver -bodyguard na si Jeffrey Magpantay, at dalawang John Does dahil sa pagkawala ni Camilon.
Matatandaang Oktubre 26, 2023, nang ikustodiya ni Police Regional Police Office 4A PBGen. Paul Kenneth Lucas si De Castro matapos na masangkot at maging person of interest sa kaso ni Camilon.
Batay sa record, si De Castro ang kikitain ni Camilon bago ito na maiulat na nawawala. Si De Castro rin ang nagbigay ng sasakyan kay Camilon.
Ilan din sa mga saksi ang nagbigay ng testimonya na nakita nila ang paglilipat kay Camilon sa ibang sasakyan kung saan naroon si Magpantay.
Positibo rin ang resulta ng DNA test sa dugo at hibla ng buhok na nakuha sa sasakyan.
- Latest