Beybi, tepok sa MRI sa ospital
Matapos turukan ng anesthesia
MANILA, Philippines — Patay ang isang sanggol matapos umanong sumailalim sa Magnetic Resonance Imaging (RMI) procedure sa loob ng isang ospital sa Quezon City.
Kinilala ni Quezon City Police Director P/Brig. Gen. Redrico Maranan ang nasawing sanggol na si Callie Aavya Radin Bonifacio, 2-buwan at 19 araw na gulang.
Ayon sa nagrereklamong si Jea Mae Laroya Radin, ina ng sanggol, residente ng Sta. Quiteria, Brgy. 163, Caloocan City, ang kaniyang anak ay dinala nilang mag-asawa sa Quirino Memorial Medical Center (QMMC) nitong Enero 18. Ang kanilang beybi ay itinakdang sumailalim sa MRI procedure sa nasabing pagamutan na matatagpuan sa Project 4, Quezon City.
Ayon sa ginang, pinalagda umano siya sa waiver bago isailalim ng isang tinukoy lamang nitong Dra. Ventulan sa MRI ang kaniyang anak.
Gayunman, matapos na turukan ng anesthesia na isang Intravenous (IV) ang bata ay biglang hinimatay at nangitim.
Agad namang nagpasaklolo sa mga pediatric doctors ang ginang pero binawian ng buhay ang kaniyang anak dakong alas-4:13 ng hapon noong Enero 19.
Inihayag ng ginang na halos ma-shock siya sa insidente dahil malakas ang kaniyang sanggol bago ang procedure pero nang maturukan na ay bigla na lamang nagkikisay hanggang sa mawalan ng ulirat at hindi na nagising pa.
Matapos ang ilang araw, nagpasya ang mag-asawa na dumulog sa himpilan ng pulisya upang ireklamo ang nasabing doktora at pagamutan.
Nakatakda namang isailalim sa awtopsiya ang bangkay ng sanggol upang mabatid ang tunay na sanhi ng pagkamatay nito.
Sinikap naman ng PSN na tawagan at makuha ang panig ng doktor at ospital pero bigo ito at wala pa silang inilalabas na “statement” kaugnay sa reklamo ng mag-asawa sa namatay nilang anak.
- Latest