MANILA, Philippines — Ipinadala ni Senator Christopher Lawrence “Bong” Go ang kanyang Malasakit Team para makasama sa medical mission ni Quezon City Councilor Mikey Belmonte bilang pakikipagtulungan sa pagpapahusay ng serbisyo sa kalusugan ng komunidad.
Binigyang-diin ng senador ang kahalagahan ng naturang hakbang sa pagsasabing ang pagtutulungang kagaya nito sa pagitan ng mga pinuno ng pambansa at lokal ay nagpapakita ng pagtiyak na ang bawat Pilipino ay magkaroon ng access sa mga serbisyong medikal na kailangan nila.
Ang medical mission na ginanap sa BYC covered court at inorganisa ni Councilor Belmonte ay nagsagawa ng libreng medical consultation, dental check-up, at pamamahagi ng mga gamot.
Samantala, ang Malasakit Team naman ni Go ay namigay ng mga kamiseta, bola para sa basketball at volleyball at iba pang ayuda sa may 900 residente.
Ang nasabing medical mission sa Quezon City ay isa sa maraming hakbang na sinuportahan ni Go bilang bahagi ng kanyang pangakong tutulong sa paghahatid ng serbisyo sa mga komunidad at isulong ang kalusugan at kapakanan ng mamamayang Pilipino.
Nakatuon ang kanyang adbokasiya sa Senado sa pagpapabuti ng imprastraktura ng pangangalagang pangkalusugan, lalo sa mga sektor ng lipunan na kulang o hindi naaabot ng serbisyo.
Binanggit ni Go sa mga dumalong pasyente sa medical mission na maaari nilang gamitin ang 11 Malasakit Centers sa lungsod kung kailangan nila ng tulong sa mga gastusin na may kinalaman sa medikal.
Ang mga Malasakit Centers sa Quezon City ay matatagpuan sa Lung Center of the Philippines, Novaliches District Hospital, Philippine Heart Center, Philippine Children’s Medical Center, National Kidney and Transplant Institute, East Avenue Medical Center (EAMC), Veterans Memorial Medical Center (VMMC), Philippine Orthopedic Center, National Children’s Hospital, Philippine National Police General Hospital, at Quirino Memorial Medical Center (QMMC).
Sa buong bansa, mayroon nang operational na 159 Malasakit Centers at ayon sa Department of Health (DOH), humigit-kumulang 10 milyong Pilipino na ang natulungan nito.