MANILA, Philippines — Nagbanta ang jeepney group na Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide (PISTON) na patuloy ang gagawin nilang pagkilos at protesta laban sa PUV Modernization.
Ito ayon kay Mody Floranda, Pangulo ng grupong Piston ay kung hindi papabor ang Korte Suprema sa kanilang inihaing petisyon .
Binigyang diin ni Floranda na hindi mangingibabaw ang isang executive order sa isang batas na ibinigay sa kanila ng kongreso.
Samantala sinabi naman ng magnificent 7 na pabor sa PUV Modernization na tatanggapin nila ang mga tsuper na hindi na makakapasada oras na hindi na pahihintulutan ng LTFRB na makapasada ang mga jeep na hindi nag-consolidate.
Nagkakaisang sinabi nina Obet Martin ng Pasang Masda, LTOP president Lando Marquez, Altodap President Boy Vargas at Acto President Libay de Luna na tutulungan ng kanilang hanay na makapag maneho ang mga tsuper na mawawalan ng pagkakakitaan mula sa grupong Piston ni Floranda at grupong Manibela ni Mar Valbuena.
Sa February 1 sinabi ng LTFRB na considered colorum na ang mga passenger vehicle na hindi nag-consolidate .
Samantala, sa ikinasang caravan protest kahapon, hindi na hinayaan ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD) na makarating pa ng Mendiola ang daan-daang mga raliyista mula sa transport groups na Piston at Manibela na nagsimulang martsa mula sa Quezon City upang ipanawagan ang pagbasura sa PUV modernization program ng gobyerno.
Sa may Welcome Rotonda malapit sa España sa Sampaloc pa lamang ay hinarang na sila ng mga awtoridad na armado ng mga shield ang mga demonstrador para hindi na sila makatuloy sa Mendiola na malapit sa Malacañang.
Dito nakipagdayalogo ang ground commander ng Sampaloc Police Station 4 sa mga lider ng mga raliyista. Ikinatwiran ng pulisya na hinaharang sila dahil sa kawalan ng “permit to rally” at dahil sa mga nakaraang kaguluhan na naganap sa mga rally nila noong nakaraang taon sa Mendiola.
Wala namang nagawa ang mga raliyista kundi ang magprograma na lamang sa Welcome Rotonda at ihayag ang saloobin nila laban sa sinasabing “phase out” ng mga tradisyunal na jeep kung maipatutupad ng gobyerno ang modernisasyon.