MANILA, Philippines — Tiniyak ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na walang maapektuhang pasahero kahit may banta ng tigil-pasada ang grupo ng PISTON at Manibela sa Metro Manila.
Ayon kay Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) chairman Teofilo Guadiz, na nagkasa na sila ng mga dapat gawin katuwang ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at Land Transportation Office (LTO) upang walang maapektuhang pasahero sa tigil pasada ngayong araw.
Anya may mga nakaantabay na consolidated jeep sa mga strategic areas na sentro ng tigil pasada ng PISTON at Manibela at mayroon ding rescue buses na ilalabas kung kukulangin sa sasakyan na maghahatid sundo sa mga pasahero sa panahon ng tigil- pasada ng jeepney group.
Niliwanag ni Guadiz na tuloy na tuloy na ngayong taong 2024 ang implementasyon ng PUV modernization sa bansa makaraan ang pitong taon pagkaantala sa programa.
Ito ay kahit pa may mga tigil pasada ang mga pampasaherong jeep na tumututol sa naturang programa.
Anya 2017 pa nang simulan ng pamahalaan ang PUV modernization at matagal na hindi naipatupad dahil sa kaka-request ng mga PUVs drivers at operators na maipagpaliban ito.
Anya sa ngayon ay hindi na ipagpapaliban pa ang implementasyon ng PUV modernization makaraang maantala ito ng mahabang panahon.
Sinabi ni Guadiz na may 54 na modelo ng jeep ang maaaring mapagpilian ng mga nag-consolidate na may presyong P980,000 hanggang P2.4 milyon na maaaring mapagpilian ng mga operator para makakuha ng modern jeep.
“Sa record namin ay 40,000 ang mga jeep sa Metro Manila pero nakita namin na may 23,000 units lamang ang operational so nasaan na ang 21,000 plus na unit at ‘yan ay mga hindi na operational na jeep at wala ng prangkisa kaya lahat ng ruta ngayon ay inaayos namin’ dagdag ni Guadiz.
Binigyang diin ni Guadiz na wala nang extention sa franchise ng mga jeep at tapos na ang consolidation.
Kaugnay nito, niliwanag naman ni Mar Valbuena, Presidente ng jeepney group na Manibela na wala naman silang kontra sa PUV Modernization program ng gobyerno pero dapat ay wala nang consolidation dahil walang malaking halaga ang kanilang hanay para makabili ng bagong sasakyan.