18 Pinoy hinuli sa Oman, makakauwi sa lalong madaling panahon - DMW

This undated image shows passengers at the Ninoy Aquino International Airport.
The STAR / Rudy Santos

MANILA, Philippines — Target ng Department of Migrant Workers (DMW) na mapauwi sa bansa sa lalong mada­ling panahon ang 18 Filipino crew ng isang oil tanker na nahuli sa Gulf of Oman kamakailan.

Ayon kay DMW offi­cer-in-charge (OIC) Hans Cacdac, puspusan na ang pakikipagnegosasyon ng Department of Foreign Affairs (DFA) para sa ligtas na pagpapauwi sa mga tripulante sa Pilipinas.

“Yung sa aspeto ng pakikipag-usap tungkol sa kanilang pagpapauwi nang ligtas, ay nasa kamay ng DFA,” ani Cacdac, sa panayam sa radyo.

Tiniyak din ni Cacdac na sa ngayon ay ligtas ang mga tripulante. “Tayo ay nagdadasal kasama ng pamilya ng mga nasa St. Nikolas na sila’y makauwi na sa lalong madaling panahon,” aniya pa.

Una nang iniulat ng DMW na ligtas at kasalukuyan nang nasa Iran ang 18 Filipino crew ng Marshall Islands-flagged oil tanker St. Nikolas, na hinuli sa Gulf of Oman.

Nakikipag-ugnayan na rin umano ang DMW sa licensed manning agency ng St. Nikolas at mga pamilya ng mga tripulante para sa nakatakda nilang repatriation.

Show comments