SUV na may plakang ‘7’ at ‘8’, huli sa paglabag sa EDSA busway
MANILA, Philippines — Dalawang motorista na may plakang pinaniniwalaang pag-aari ng senador at congressman ang kabilang sa 30 na pinagmulta dahil sa iligal na paggamit ng EDSA Bus Carousel lane kahapon.
Nabatid na ang isang Toyota Fortuner Sports utility vehicle (SUV) ang nasita ng MMDA Special Operations Group Strike Force nang dumaan sa busway ng EDSA-Ortigas kahapon ng umaga. Ito ay may plate number na “7”. At may nakasulat na “19th Congress” at “R2”.
Mag-isa lamang ang ‘di tinukoy na driver na binigyan ng citation ticket.
Isa pang SUV na kulay itim at may protocol plate na “8” ang natiketan din sa pagdaan sa EDSA Bus Carousel lane, na driver lamang ang sakay.
Simula alas-9:00 ng umaga hanggang alas-11:00 ng umaga ay umabot sa kabuuang 30 ang nahuli ng Strike Force, na kinabibilangan din ng isang basketball player, ilang miyembro ng Philippine National Police, Department of National Defense at Philippine Marines Corps, ayon sa hepe na si Gabriel Go sa naturang busway.
Hindi pa natukoy ng MMDA kung ilan na ang violation ng mga nahuli sa busway kahapon dahil ang gamit umano nila ay ang manual citation tickets at hindi ang handheld devices para sa single ticketing system, na pwedeng mag-detect kung ilang paglabag na ang nagawa ng driver.
- Latest