Basurang nahakot sa Quiapo, halos dumoble
MANILA, Philippines — Halos dumoble ang dami ng basurang iniwan ng mga deboto sa buong selebrasyon ng Pista ng Itim na Nazareno, kabilang ang basurang iniwan sa nakaraang Traslacion 2024.
Sa datos ng Department of Public Services (DPS) ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila, nitong alas-8 ng umaga ng Enero 10, nakakolekta na sila ng 407 metriko tonelada ng basura o katumbas ng 148 trak.
“This is from all the activities from Jan 6-10, ayon kay Manila spoksperson Atty. Princess Abante.
Noong 2023, nasa 265 metriko tonelada o 99 trak ng basura lamang ang nahakot sa buong selebrasyon ng Pista ng Nazareno.
Noong 2020, ang taon na huling idinaos ang Traslacion bago natigil dulot ng pandemya, nasa 394 metriko tonelada o 88 trak ng basura ang nahakot noon.
Para naman sa mismong araw ng Pista ng Nazareno nitong Enero 9, nasa 128 metriko tonelada o 46 trak ng basura ang nahakot ng DPS. Kabilang dito ang mga basura na iniwan sa Traslacion, at ibang mga lugar ng selebrasyon kabilang ang sa Quirino Grandstand at sa bisinidad ng simbahan ng Quiapo.
Sinabi ni Abante na patuloy pa rin kahapon ang paglilinis at pagsasaayos ng DPS sa mga lansangan na nadaanan ng ruta ng Traslacion.
- Latest