MANILA, Philippines — Daan-daang deboto ang napagkalooban ng Philippine Red Cross (PRC) ng tulong medikal kasunod na rin nang pagdaraos ng Traslacion 2024 kahapon.
Ayon sa PRC, bago magtanghali ay nasa 382 pasyente na ang natulungan ng kanilang mga volunteers matapos mangailangan ng medical assistance.
Kabilang anila dito ang 135 na minor cases, na kinabibilangan ng mga dumanas ng pagkahilo at limang major cases na dumanas ng head trauma at hinimatay.
Nasa 16 naman ang isinugod sa emergency field hospital ng PRC habang lima ang kinailangang dalhin sa Philippine General Hospital (PGH) matapos makaranas ng pananakit ng dibdib, sprain, pamamanhid, at panghihina ng katawan, kabilang na ang isang buntis na nakaranas ng pananakit ng tiyan.
Ayon sa PRC, nasa 319 personnel ang idineploy sa kanilang mga medical stations para sa Traslacion ngayong taon.
Una nang isinailalim ng Department of Health (DOH) sa code white alert ang lahat ng kanilang pagamutan simula pa noong Enero 5 para sa naturang relihiyosong aktibidad.