MANILA, Philippines — Kumpiyansa ang pamahalaan at ang Simbahang Katolika na sapat na ang kanilang mga naging paghahanda para sa pagbabalik ng Traslacion na pangunahing tradisyon sa Pista ng Itim na Nazareno ngayong Martes na inaasahang dadaluhan ng milyong mga deboto.
Sa ambush interview sa may Quiapo church kahapon, muling sinabi ni Philippine National Police (PNP) chief, General Benjamin Acorda Jr. na wala silang natatanggap na banta sa okasyon.
“We reiterate that we have not receive any threats, but our preparation are for the worst that could happen,” pagtitiyak ng heneral.
Nasa kabuuang 15,555 puwersa ng pamahalaan kabilang ang mga pulis, mga tauhan ng Armed Forces of the Philippines, Philippine Coast Guard, Bureau of Fire Protection, at iba pang ahensya ang ikakalat.
Samantala, nagtayo na ang Pamahalaang Lungsod ng Maynila ng “field hospital” sa may Kartilya ng Katipunan upang dito dalhin ang lahat ng mananampalataya na magkakasakit o masasaktan sa Traslacion.
Nananawagan si Mayor Honey Lacuna sa mga deboto na may sakit o kaya ay may edad na, na manatili na lamang sa bahay at manood sa telebisyon o sa online ng misa o ng mga pangyayari sa Traslacion upang mapanatili ang kanilang kalusugan.
Maninita umano ang lokal na pamahalaan sa mga deboto na walang suot na face mask kasabay ng pagbibigay nila sa mga walang suot nito.
Kahapon, nagsagawa na rin sila ng pagbubungkos sa mga nakalawit na mga kawad ng kuryente sa mga ruta na daraanan ng Traslacion, bukod pa sa naunang paglilinis at pagkukumpuni sa mga kalsada.
Kinumpirma rin niya na magkakaroon ng “signal jamming” sa Traslacion kaya humingi siya ng pang-unawa sa publiko dahil para sa kaligtasan na rin ito.