1 sa tandem na isnatser, timbog

Nakilala ang nada­kip na si Jeffrey Santillan, 27, miyembro ng Sputnik Gang at naka­tira sa Bagong Bayan South, Navotas City habang pinaghahanap naman ang kasamahan nitong suspek na kinilalang si Nicolai De Jesus, ng Navotas City.
Philstar.com / Jovannie Lambayan, file

Sa tulong ng GPS

MANILA, Philippines — Nasakote ang riding-in-tandem na isnatser makaraang matukoy ng pulisya ang kaniyang kinaroroonan sa pamamagitan ng GPS tracker ng cellphone na kanilang hi­nablot sa Tondo, Maynila kama­kalawa ng gabi.

Nakilala ang nada­kip na si Jeffrey Santillan, 27, miyembro ng Sputnik Gang at naka­tira sa Bagong Bayan South, Navotas City habang pinaghahanap naman ang kasamahan nitong suspek na kinilalang si Nicolai De Jesus, ng Navotas City.

Sa ulat ng Raxabago Police Station 1, dakong alas-7:56 ng gabi nang maganap ang insidente sa may kanto ng Juan Luna at Cavite Street sa may Gagalangin, Tondo.

Naglalakad ang biktima habang nagti-text nang hablutin ng mga suspek ang iPhone 14 Pro Max cellphone (P80,000) habang sakay ng isang Mio type scooter.

Agad na dumulog sa pulisya ang biktima at na-track ang kinaroroonan ng cellphone dahil sa nakabukas ang GPS nito.  Nagsagawa ng follow-up operation ang mga pulis hanggang sa huminto ang tracker sa may Victory Liner bus station sa may Monumento sa Caloocan City.

Dito namataan at nakilala ng biktima ang suspek na si Santillan na nagresulta sa kaniyang pagkakada­kip. Narekober rin sa kaniyang posesyon ang iPhone ng biktima.

Inihahanda na ang kaso laban sa nadakip na suspect.

Show comments