Pampasabog, mga armas nasabat sa bahay sa San Juan
MANILA, Philippines — Arestado ang isang lalaki matapos makumpiskahan ng matataas na kalibre ng armas at mga pampasabog mula sa kanyang tahanan sa San Juan City. Kahapon.
Natuklasan ito matapos na ireklamo ng kanyang sariling misis dahil sa pananakit.
Kinilala ang suspek na si Ronaldo Macapagal, 38, residente ng Barangay Balong Bato.
Batay sa ulat ng San Juan City Police, nabatid na dakong alas-12:20 ng madaling araw nang salakayin ng mga alagad ng batas ang tahanan ni Macapagal, sa bisa ng isang search warrant.
Ayon kay San Juan City Police chief PCOL Francis Allan Reglos, ang search warrant ay inisyu base sa reklamo ng asawa ni Macapagal.
Nauna rito, nagtungo umano ang ginang sa Women and Children’s Protection Desk (WCPD) at nagreklamo na siya ay pinagbabantaan at dumaranas ng pisikal na pang-aabuso.
Aniya, tinatakot umano siya na bobombahin at tinututukan pa ng baril.
Nang halughugin ang tahanan ay dito na umano nila nadiskubre ang nasa 17 iba’t ibang uri ng maiikli at mahahabang baril, gayundin ng mga granada at mga bala.
Ikinatwiran naman umano ng suspek na ang mga armas ay pamana ng kanyang ama at malaunan ay naging gun enthusiast na rin siya.
Nabatid din na hindi rehistrado ang mga nasamsam na armas.
Ang suspek ay mahaharap sa mga kasong paglabag sa Republic Act 10951 o The Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act at RA 9516 o Illegal Possession of Explosives.
- Latest