MANILA, Philippines — Kalaboso ang isang lalaki matapos magbiro na mayroong bomba sa loob ng simbahan ng Quiapo sa gitna ng isinasagawang misa, kahapon ng madaling araw.
Kinilala ng pulisya ang inaresto na si Dennis Garcia, 42, ng Salazar St., Brgy. Talipapa, Quezon City.
Ayon sa pulisya, kasalukuyan umanong nasa gitna ng pang-alas-5 ng madaling araw na misa nang biglang magsisigaw ang suspek na may bomba sa loob ng simbahan. Nagdulot ito ng bahagyang pagkabahala sa mga dumadalo sa misa bago umaksyon ang mga guwardiya ng simbahan at mga tauhan ng Plaza Miranda Police Community Precinct (PCP) at inaresto siya.
Nagmakaawa naman ang suspek na huwag siyang arestuhin dahil sa nagbibiro lamang umano siya.
Sa kabila nito, itinuloy ng mga pulis ang pagposas sa kaniya, dinala sa pagamutan para sa medical check-up bago dinala sa presinto.
Nahaharap ngayon ang suspek sa kasong paglabag sa Presidential Decree 1727 (Declaring as unlawful the malicious dissemination of false information of the wifull making of any threat concerning bombs, explosives, or any similar device or means of destruction).
Kapag napatunayang nagkasala, papatawan ang suspek ng pagkakulong na hindi hihigit sa limang taon at multa na hindi lalagpas sa P40,000, depende sa desisyon ng korte.