Sekyu sa car showroom pinugutan, ulo nawawala
Inside job sinisilip
MANILA, Philippines — Karumal-dumal ang sinapit na kamatayan ng isang security guard sa showroom ng isang car dealer nang matagpuang patay at pugot ang ulo nitong Pasko ng umaga sa Quezon City.
Ayon sa pagsisiyasat ni PSSg Nido Gevero Jr., ng Quezon City Police District Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU), hanggang sa ngayon ay hinahanap pa rin ang ulo ng biktimang si Alfredo Valderama Tabing, 50, ng Sevilla Extension, Brgy. 46 Zone 3, Tondo, Manila.
Kasabay nito, iniimbestigahan ng QCPD ang anggulo na inside job dahil walang forcible entry sa nasabing showroom.
Batay sa report, natagpuan ang katawan ng biktima dakong alas-7:50 ng umaga nitong Lunes sa loob ng showroom ng Ford Balintawak sa EDSA, Brgy. Apolonio Samson, Quezon City.
Hindi pa matukoy ng mga pulis ang suspek dahil bunsod ng kawalan ng saksi.
Lumilitaw na dumating ang mga karelyebong guwardiya ng biktima na sina Ricardo Masdo at Jayson Juri at kinatok ang showroom subalit hindi sumasagot ang biktima.
Dahil dito napilitan sina Masdo at Juri na sapilitang pasukin ang showroom at tinungo ang parking entrance.
Dito nila nakitang nakasubsob at wala ng ulo ang biktima. Wala nang iba pang sugat ang biktima.
Malinis din umano ang crime scene kaya pinaniniwalaang ginamitan ng samurai ang biktima.
Agad namang rumesponde sina QCPD CIDU chief PMaj, Don Don Llapitan, Homicide chief PCpt. Armando Peñaflor, Jr., at Brgy. Apolonio Samson Chairwoman Che De Jesus upang inspeksiyunin ang lugar.
Sa imbestigasyon, sinabi ni Raymond Parungao, Information Security ng Ford Balintawak na sira ang mga CCTVs sa compound ng nasabing establisimyento simula pa Pebrero 2022.
- Latest