Bisita sa Quezon City Jail aprub ngayong Pasko, Bagong Taon
MANILA, Philippines — Maituturing na malaking regalo sa mga Persons Deprived of Liberty (PDLs) ang mabisita ng kanilang mga pamilya.
Ito’y matapos na payagan ng Quezon City Jail Male Dormitory pagbisita sa mga PDL ngayong araw ng Pasko at Bagong Taon sa Enero 1, 2024.
Nabatid na naglabas ng kautusan ni BJMP regional director Jail Chief Superintendent Clint Russel Tangeres sa lahat ng jail warden at acting jail warden ng Bureau of Jail Management and Penology-National Capital Region (BJMP-NCR) para rito.
Ayon kay Tangeres, maaari namang magbigay ng konsiderasyon ang kanilang tanggapan subalit kailangan na tamang maipatutupad ito.
Aniya, alang-alang sa diwa ng Pasko at humanitarian consideration, dapat mabigyan ng pribilehiyo sa pagbisita ang mga PDLs.
Sinabi naman ni City Jail Warden Jail Supt Michelle Ng Bonto, maaaring madalaw at makausap ang mga PDLs sa pamamagitan ng face-to-face, e-dalaw, at non-contact visitation.
Gayunman, daraan pa rin sa mahigpit na search and inspection procedures ang mga dalaw upang maiwasan ang pagpupuslit ng kontrabando sa loob ng jail facility.
Nakasaad sa revised policy ng pagbisita sa mga jail facility ng BJMP, ang visiting days ay itinakda mula Martes hanggang Linggo, at ang Lunes ay isang non-visiting day dahil inilaan ito para sa washday, sanitation ng PDL at paglilinis sa buong jail facility.
- Latest