‘Wag magmaneho kung lasing - LTO
MANILA, Philippines — Pinayuhan ni LTO Chief Vigor Mendoza ang mga motorista na huwag magmamaneho ng sasakyan kung nakainom ng alak at lasing.
Ang pahayag ay ginawa ni Mendoza dahil sa kasagsagan ng mga pagpa-party na may kasamang inuman at ‘di alintana na magmamaneho pala sila ng kanilang sasakyan.
“Kabi-kabila na ang mga last minute Christmas parties at good time with friends and co-workers. Kung kaya naman iwasan at huwag nang uminom at kung hindi talaga maiiwasan ay tiyakin na may magmamaneho sa inyo pauwi, or better yet, mag-commute na lang kayo. Dahil kung ipipilit ninyong magmaneho na lasing, baka sa ospital na kayo magising o kaya naman ay baka huling tagay niyo na pala dahil sa punerarya at sementeryo na ang diretso ninyo,” dagdag ni Mendoza.
Una nang inutos ni Mendoza sa lahat ng Regional Directors at District Office heads ng LTO nationwide na palaganapin ang pagpapaalala kaugnay sa “Anti-Drunk and Drugged Driving Act of 2013” para mapangalagaan ang kapakanan ng mga motorista.
Sa tala ng World Health Organization, may 1.3 milyon katao ang namamatay sa lansangan sa buong mundo kada taon habang nasa 20 milyon hanggang 50 milyon ang sugatan.
“To our motorists, always remember that you have a spouse, whom you promise to grow old with, children, who still depends on you, and family members who are waiting for you in your homes. Huwag nating ipalit ang kaunting oras ng kaligayahan sa habang buhay na pagsisisi. Maging responsable tayong motorista para wala tayong problema,” sabi pa ni Mendoza.
- Latest