Daan-libong mga biyahero dumagsa sa PITX

Carmageddon talaga ang nangyari sa mga pangunahing lansangan sa Metro Manila. Kuha ito sa northbound lane ng EDSA, Guadalupe ka- hapon sa huling working day bago ang mahabang holiday.
Walter Bollozos

MANILA, Philippines — Tinatayang nasa 112,868 pasahero na ang dumagsa sa Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) noong Huwebes ng gabi para umuwi sa kani-kanilang probinsya sa Katimugang Luzon para magpalipas ng Pasko.

Sinabi ni Kolyn Calbasa, corporate affairs officer ng PITX, na inaasahan pang tataas ang naturang bilang lalo na kahapon na siyang huling working day bago mag-Pasko.

Kaya paalala niya sa mga pasahero na mag-book ng mga tiket sa loob ng terminal at mas maaga sa kanilang target na biyahe para maiwasan ang matinding hassle.

Nagpaalala rin si Calbasa sa mga pasaherong may dalang alagang hayop na dapat nakatali ang mga ito at may bakuna. Huwag din sanang maki­pagtalo dahil nasa bus companies ang huling desisyon kung papayagang sumakay ang mga ito.

Nauna nang sinabi ng PITX na fully-booked ang iba pang biyahe pa-Bicol region. Pwede raw ang chance passengers sa mga ordinary buses papunta ng probinsya.

Inaasahan naman ng pamunuan ng PITX na mag-uumpisang magbalikan ang mga biyahero sa Disyembre 26 dahil sa marami ang nais sumalubong ng Bagong Taon sa kanilang mga sariling bahay.

Show comments