Vendor dinedo ng kapwa tindero
MANILA, Philippines — Patay ang isang 59-taong gulang na tindero makaraang pagsasaksakin ng kapwa niya vendor sa loob ng Dagonoy Market sa San Andres Bukid sa Maynila nitong Huwebes ng madaling araw.
Nakilala ang nasawi na si Romeo Lagado, nakatira sa San Andres Bukid, Maynila. Timbog naman ang suspek na si Tristan Roy Cajar, 26, habang pinaghahanap ang isang kasabwat na si Christian Macabenta, 28.
Sa ulat ng Manila Police District-Sta. Ana Police Station 6, dakong alas-12:30 ng kamakalawa ng madaling araw nang maganap ang insidente sa loob ng nabanggit na palengke. Unang nakita na nagtatalo sina Lagado at Cajar ukol sa dati nilang trabaho sa isang pabrika ng yelo.
Nauwi ang pagtatalo sa pananaksak ni Cajar sa nakatatandang si Lagado saka mabilis na tumakas. Nadakip naman siya sa ikinasang follow-up operation ng mga tauhan ng Dagonoy Police Community Precinct.
Naisugod pa sa Sta. Ana Hospital ang biktima ngunit nalagutan rin ng buhay dakong ala-1:15 ng madaling araw.
Samantala, kinondena ni Philippin Red Cross Chairman Richard Gordon ang pagpaslang kay Lagado na ama ng empleyado at volunteer nila na si John Paul Lagado.
Binatikos niya ang paraan ng pagpatay sa nakatatandang Lagado na pinagtulungan umano ng dalawang suspek at may apat na araw na lang bago mag-Pasko.
“We are deeply affected at the Red Cross. I call on the Philippine National Police to bring justice to Mr. Lagado’s senseless death,” saad ni Gordon.
- Latest