Kasama sa bahay ni Ronaldo Valdez, isinailalim sa paraffin test
MANILA, Philippines — Isinalang na sa paraffin test ang lahat ng mga kasama sa bahay ng veteran actor na si Ronaldo Valdez matapos na matagpuan itong may tama ng bala ng baril at walang malay sa loob ng kuwarto nito sa kaniyang tahanan sa Quezon City noong Linggo ng hapon.
Ayon kay Quezon City Police District (QCPD) Chief P/Brig. Gen. Redrico Maranan, si Valdez ay natagpuang nakaupo sa silya sa silid nito sa Casa Nueva Homes, Manga Street, New Manila, Quezon City.
Nagtamo ito ng tama ng bala sa kanang sentido habang hawak ang baril sa isa nitong kamay ng madiskubre ang insidente ng kaniyang driver na si Angelito Oclarit.
Ang actor ay idineklarang dead-on-arrival sa pagamutan.
“We are still conducting a thorough investigation to ascertain the cause of death of Mr. Valdez”, giit ni Maranan upang malinawan ang pagkamatay nito at alamin kung may naganap na foul play.
Una nang kinumpirma ng mga imbestigador ng QCPD ang pagkamatay ni Valdez kung saan kumalat sa social media na posibleng nag-suicide umano ang beteranong actor.
Inihayag ng opisyal na magsasagawa sila ng masusing imbestigasyon upang mabatid kung ano ang talagang nangyari kay Valdez at dahil may nakitang baril ay isinailalim sa ballistic at paraffin test ang lahat ng tao na kasama nito sa bahay bilang bahagi ng Standard Operating Procedure (SOP) sa imbestigasyon.
Nilinaw naman ng QCPD na hindi nangangahulugan na may kinalaman ang mga isinailalim sa paraffin test sa krimen kung saan hihintayin pa ang resulta ng pagsusuri.
Idinagdag pa ni Maranan na maglalabas sila ng opisyal na pahayag kapag natapos na ang resulta ng imbestigasyon.
- Latest