Ticket sa mga pasaway, treat sa tumatalima sa batas trapiko
MANILA, Philippines — Kung citation tickets ang ibinibigay ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) para sa mga motoristang lumalabag sa batas-trapiko, grocery items naman ang ipinagkakaloob nila para sa mga motoristang tumatalima sa batas.
Kahapon ng umaga ay namahagi ang ilang traffic enforcers ng MMDA, sa pangunguna mismo ni Chairman Romando Artes, ng grocery items para sa mga piling riders sa EDSA-Cubao, sa ilalim ng kanilang “Ticket or Treat” program.
Nabatid na dakong alas-8:00 ng umaga nang simulan ng MMDA ang kanilang programa, at aabot sa halos 300 piraso ng Noche Buena packages ang kanilang ipinamahagi sa mga motoristang tumatalima sa batas-trapiko.
Ayon kay David Vargas, MMDA assistant general manager for operations, ang mga motoristang nahuhuli nilang lumalabag sa batas-trapiko ay binibigyan nila ng citation tickets habang grocery items naman ang iniaabot nila sa mga masunuring motorista.
“Ito ay pagbibigay balik sa mga motorista natin na mga sumusunod sa batas trapiko. Ito ay simpleng programa ng MMDA para sa Paskong ito,” aniya pa.
Nabatid na magtatagal ang programa ng MMDA hanggang Biyernes at inaasahang aabot sa 1,000 Noche Buena package ang kanilang ipapamahagi.
- Latest