Nagtamo ng tama ng baril sa sentido
MANILA, Philippines — Binubusisi ng Quezon City Police ang dahilan sa pagkamatay ng aktor na si Ronaldo Valdez na natagpuang duguan at may tama ng bala ng baril sa ulo noong Linggo ng hapon sa kanyang tirahan sa Quezon City.
Idineklarang dead-on-arrival sa St. Luke’s Hospital si Valdez, Ronald James Dulaca Gibbs, sa tunay na buhay, 76, ng Manga St., Barangay Mariana, New Manila, Quezon City.
Batay sa report ng Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit (QCPD-CIDU), nadiskubre ang bangkay ng aktor ng driver nito na si Angelito Oclarit, dakong alas-3:20 ng hapon sa loob ng bahay nito.
Nakaupo ito sa silya habang hawak ang caliber .45 na baril.
Sa pagsisiyasat ng SOCO Team ng QCPD Forensic Unit sa pangunguna ni PCpt. Aldhrin Domingo nagtamo ng tama ng bala ng baril sa kanang sentido ang aktor.
Agad na kinontak ni Oclarit ang anak ng aktor na si Janno Gibbs.
Nakuha sa crime scene ang caliber.45 Norinco pistol na may serial number 454697; isang fired cartridge case at empty magazine.