Trak ng paputok sumabog: 2 patay, 5 sugatan
Sa Marikina bus terminal
MANILA, Philippines — Dalawa ang patay habang lima pa ang sugatan nang sumabog ang mga paputok na lulan ng isang cargo truck na nagresulta ng malaking sunog na ikinadamay ng iba pang sasakyan sa loob ng isang bus terminal sa Marikina City kahapon ng umaga.
Inaalam pa ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng dalawang namatay at limang sugatang biktima.
Sa inisyal na ulat ng Eastern Police District (EPD), dakong alas-9:24 ng umaga nang maganap ang insidente sa BFCT East Metro Transport Terminal, na matatagpuan sa Barangay Calumpang, Marikina City.
Sa paunang imbestigasyon ng mga awtoridad, galing sa Taytay, Rizal ang truck at tumigil lang sa terminal para magpahinga ang driver at pahinante nito, nang mangyari ang insidente.
Ayon sa isa sa mga saksi, bago ang insidente ay kausap pa niya ang dalawang nasawing biktima. Naupo umano siya ngunit matapos ang ilang segundo ay bigla nang sumabog ang truck.
Tinamaan aniya ang mga biktima ng siding ng kanilang truck.
Dahil sa pagsabog ng mga paputok, nagliyab ang truck at nadamay ang mga katabing bus na walang pasahero at isang closed van na tupok na tupok.
Ayon kay EPD director PBrig. Gen. Wilson Asueta, ang mga firecrackers na nasa loob ng cargo truck ang sanhi ng pagsabog.
Dagdag pa niya, posibleng itinatago ng mga ito ang mga paputok sa loob ng truck dahil walang permit ang mga ito.
Masusi na umano nilang iniimbestigahan ang insidente upang malaman ang pinagmulan ng mga paputok na sanhi ng pagsabog. Inaalam na rin ng mga awtoridad ang posibleng pananagutan ng may-ari ng truck.
- Latest