Training center na nag-aalok ng trabaho sa Taiwan, isinara ng DMW
MANILA, Philippines — Isinara ng Department of Migrant Workers (DMW) ang isang technical vocational institution (TVI) dahil sa umano’y ilegal na pag-recruit ng mga Filipino caretakers at factory workers para sa mga bogus job offers sa Taiwan.
Mismong si DMW Officer-In-Charge (OIC) Hans Leo Cacdac ang nanguna sa ginawang pagpapadlak ng DMW-Migrant Workers Protection Bureau (MWPB) at ng Quezon City Police District (QCPD), sa tanggapan ng Match Trend Training Assessment Center na matatagpuan sa Biak na Bato, St., Quezon City.
Ayon sa DMW, ang Match Trend ay hindi nila lisensiyado upang mag-recruit ng mga Filipino workers sa ibayong dagat at hindi rin ito accredited assessment center ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), kahit na mayroon itong registered program sa Caretaker Level II.
“Match Trend, under the guise as a technical vocational institution, preys on the hopes of aspiring Filipino workers to work in Taiwan by charging exorbitant training and processing fees and illegally referring them to foreign employers. This is a clear case of illegal recruitment,” ani Cacdac.
Sa surveillance operations ng DMW, natuklasang ang Match Trend ay nangangako ng overseas employment sa mga babaeng caretakers sa Taiwan, kapalit ng P30,000 na training fee, na may initial payment na P6,000 para sa enrollment.
Ang aplikante ay ire-refer umano nito sa lending institution, sakaling wala itong kakayahan na magbayad.
Sa sandaling matapos ang training, ire-refer naman ng Match Trend ang mga ito sa foreign employers at kokolektahan ng processing fees na P40,000 hanggang P45,000, depende sa ahensiyang mapili ng foreign employer. Nag-aalok rin umano ito ng employment bilang factory workers sa Taiwan.
Kaugnay nito, binalaan ni Cacdac ang mga Filipino overseas jobseekers na huwag makipag-transaksiyon sa mga training centers o kumpanyang nangangako ng trabaho sa abroad nang walang kaukulang lisensiya at aprubadong job orders mula sa DMW.
Anang DMW, “Filipino overseas jobseekers may visit the DMW website (www.dmw.gov.ph) for the list of licensed agencies with approved job orders.”
Tiniyak rin nito na ang closure ng Match Trend ay magreresulta sa pagkakasama ng training center at kanilang mga staff sa DMW “List of Persons and Establishments with Derogatory Record” upang hindi na makalahok pa sa overseas recruitment program ng pamahalaan.
- Latest